Kapag tinatanong ako noon kung sino si Rizal para sa akin, ang sagot ko – pambansang bayani – wala ng iba. Iyon naman talaga ang itinuturo sa atin sa paaralan, hindi ba? Pagdating ko ng kolehiyo, narinig ko ang asignaturang PI 100. Tinanong ko sa iilan kung tungkol saan ang PI 100 na ito. Ang sabi nila, “Maganda ‘yun! ‘Yung mga itinuro sa atin noong elementary at hayskul tungkol kay Rizal, naku, walang-wala kapag nag-PI 100 ka na! Makikilala mo ang tunay na Jose Rizal!” Eh … sino nga ba ang tunay na Jose Rizal?
May kanya-kanya tayong Jose Rizal, ‘yan ang sagot ko. Nakuha ko ang linyang ito sa pelikula na pinamagatang “Bayaning 3rd World”. Ang pelikulang ito ay patungkol sa isang direktor at isang scriptwriter na gumagawa ng isang pelikula sa buhay ni Rizal. Binalikan nila ang mga kontrobersiya at isa-isa nilang “kinausap” ang mga taong may kaugnayan sa mga usaping ito, kabilang na ang mga kapatid ni Rizal, at siyempre, si Rizal mismo. Binusisi ang mga kontrobersiyang ito, gaya ng Retraction Letter, ang pagpapakasal (o hindi) nina Joe at Josephine, at ang pagkakadawit ng pangalan ni Rizal sa pagbuo ng samahang-pangrebolusyon. Isa-isa ring lumabas ang mga pangalang Josephine Bracken, Padre Balaguer, ang ina niyang si Donya Lolay (o si Donya Teodora Alonzo, dahil hindi naman daw niya ako kaano-ano) at ang mga kapatid niyang sina Trinidad, Narcisa, at Paciano. Sa mga pag-uusap na iyon sa pelikula, napansin kong wala pa ring nabuong iisang sagot, kung hindi ay nagbigay ito ng kapangyarihan sa mga manunuod para maghusga ayon sa kanilang pagkakaintindi. Nag-iwan ito ng maraming katanungan na ikaw lamang din sa sarili mo ang makakasagot.
Kanya-kanyang Jose Rizal…
Si Rizal…naninigarilyo?
“Ang Rizal na kilala namin ay hindi naninigarilyo!”- ika ni Ricky Davao sa pelikulang “Bayaning 3rd World”. Sigurado nga ba tayong si Rizal ay hindi naninigarilyo? At ano naman kung naninigarilyo siya? O kaya naman ay nagtatabako? Sino ang nagsabi na ang isang bayani ay hindi dapat naninigarilyo? Hanga ako sa sagot ni Rizal sa tanong na ito ni Ricky Davao. “Ilang taon niyo na akong pinag-aaralan ngunit hanggang ngayon ay hindi ninyo pa rin ako kilala!” Kahit sino pa siguro na matalinong tao diyan ay hindi kailanman maipapaliwanag o maipapakilala ang tunay na Jose Rizal dahil kung may isang tao man na tanging makapagsasabi nito ay walang iba kung hindi si Jose Rizal. Sa panahon ngayon, marami nang nailathala na mga akda patungkol sa pagkatao (o pagkabayani) ni Rizal, at nahahati ang mga iyon sa dalawa: depende kung ang manunulat ba nito ay panig kay Rizal o hindi. Sa aming mga babasahin sa PI 100, marami sa mga ito ang halata kung sino nga ba sa mga manunulat ang mga Rizalista (o panig kay Jose Rizal) at kung sino naman ang mga hindi. Para sa mga Rizalista, pilit na pinapabango ang kanyang pangalan sa kanilang mga salita, at pawang ipinapakita na si Rizal ay masyadong magaling para makagawa ng pagkakamali. Kung kaya’t hindi na ako magtataka kung ang ibang tao ay maging Rizalista na rin sa kadahilanang hindi sila marunong pumili at magtanong kung ang kanilang nababasa ay patas na pagtingin. Laking pasalamat ko na lamang na itinuturo sa unibersidad ang pagkilatis sa mga bagay-bagay, na huwag kaagad maniniwala sa mga nababasa kahit gaano pa man kagagaling ang mga pagkakalapat ng mga salita, na maging kritikal. Ngunit kung minsan nga ay nasusobrahan. Malamang ay magkaroon din ng mga taong ayaw kay Rizal, at maaring sa parehong kadahilanan din. Mahirap makilala ang taong patay na. Puro kuro-kuro at mga hula na lamang. Puro pag-aaral na may mga katanungan at butas pa rin.
Kanya-kanyang Rizal…
Si Rizal, ang taong naka-ukit sa piso.
Si Rizal, ang lalaking istatwa sa Luneta.
Si Rizal, ang pangalang ibinigay sa iilang lugar, kalye, at pati na rin sa mga punerarya.
Naaalala ko nung mga unang linggo ng aming semestre, inatasan kami na kumuha ng mga panayam sa mga iba’t-ibang uri ng tao upang tanungin kung sino si Rizal para sa kanila. Ang iba’y nagsabi na siya ay bayani, at ang iba naman ay mas malala pa ang sagot sa aking nabanggit sa itaas.
Isang bayani.
Ano nga ba ang “bayani”? Dahil nga lang ba namatay si Rizal kaya siya tinawag na bayani? Kaya siya pinag-aaralan ngayon? E paano nga ba kung hindi namatay si Rizal? Siya pa kaya ang tinanghal na pambansang bayani? Sa pelikula, “nakapanayam” ng scripwriter si Paciano, at isa ito sa mga nagustuhan ko na pahayag niya: “Ang isang bansang nangangailangan ng bayani ay hindi kailangang pagbuwisan ng buhay.” Hindi dahil sa binaril siya kaya siya naging bayani. OO, hinanap nga ni Rizal ang kamatayan, pero hindi para maging isang bayani. Malinaw niya pang ipinagbilin na ayaw niya na magkaroon ng anibersaryo o kahit ano pang pag-gunita. Pero anong nangyari? Paumanhin, Ginoong Pepe, ngunit para sa akin, patay ka man o buhay, may anibersaryo o wala, ikaw pa rin ang pambansang bayani.
Kanya-kanyang Jose Rizal…
Ngayon, ibabahagi ko sa papel na ito kung sino si Rizal para sa akin. Kagaya ng aking nabanggit, si Rizal ang pambansang bayani. Nabuo ang sagot na ito sa dalawang paraan. Una, dahil ito nga ang nabuong pagkakakilala ko sa kanya dahil na rin sa mga sinabi ng aking mga guro at magulang noong elementarya at hayskul. At pangalawa, dahil sa malalim at masaya naming pagdidiskusyon sa asignaturang PI 100 – JR sa klase ni Sir Isko. Para sa akin, ang isang bayani ay siyang may tunay na pagmamahal sa bayan. Naniniwala akong sapat na ang pagmamahal na iyan para tawagin kang isang bayani, dahil ang pagmamahal na iyan ang magbibigay sa iyo ng lakas para lumaban kung naaapi, tumayo kung madapa man sa mga pagkakamali, gumabay sa iyo kung paano maipapakita sa iba lalo na sa mga dayuhan ang pagmamahal na iyan, at magtutulak sa iyo na lalong pag-ingatan at mapanatili ang kabutihan at pagmamahal na mayroon ka sa susunod na henerasyon. Ngunit, ang pagiging bayani ay hindi katumbas ng pagiging isang diyos. Si Pepe ay tao. Hindi perpekto at walang mahika. Nagkakamali at may damdamin. Ang isang salitang binitawan, kapag inalis mo sa konteksto, ay magkakaroon ng ibang kahulugan. Kung kaya’t ang mga salitang binitawan ni Rizal, kabilang na ang mga nobela at iba pang mga akda niya, ay magkakaroon ng iba’t ibang mga kahulugan base sa mga interpretasyon ng mga taong bumabasa sa kanya, lalo na kung hindi mo pag-aaralan o babalikan ang konteksto na pinanggalingan ni Rizal. At ang mga interpretasyon na ito ay maaring tanggapin at paniwalaan ng publiko, ng mga mambabasa, ng mga makakarinig, ng bawat Pilipino, lalo na kung mahusay at kilalang tao ang magbibigay ng interpretasyon na ito. Bakit? Dahil wala na naman si Rizal para bigyang linaw at paliwanag ang kanyang sarili. Mas malala pa nito, si Rizal ay patay na at nangangahulugan lamang na wala ng pag-asa na maipaglaban pa ang sarili sa mga tumutuligsa at mga naninira sa kanya; mga taong inilalagay si Rizal sa maling konteksto.
Ang depinisyon ko ng bayani ang siya na ring susuporta sa aking paniniwala na ang mga bayani ay hindi lamang sila na ating nakikita sa mga libro ng kasaysayan o iyong mga larawan na nakikita natin na nakasabit sa munisipyo o sa pera. Siya na may pagmamahal sa bayan ay isang bayani, at mas lalong hindi mo kailangang mamatay para tanghaling bayani. Mag-aaral ka man o propesyunal, may trabaho o wala, kung ikaw sa sarili mo ay alam mong kaya mong ipaglaban ang sarili mong bansa at naglalayon kang maging ehemplo sa kapwa mo Pilipino, saludo ako sa iyo, bayani! At salamat kay Rizal, na siyang naging pangunahing ehemplo sa atin. Tama nga ang sinabi nila… Talagang mag-iiba ang pagkakakilala mo kay Jose Rizal kapag napag-aralan mo ang buhay niya sa asignaturang PI 100. Mas nabigyang linaw sa akin ang kahulugan ng salitang “bayani”, naturuan ako na magmahal sa bayan kahit sa mga simpleng pamamaraan, nakilala ko si Jose Rizal sa ibang perspektibo at angulo, at napagtanto ko na siya
ay tao… nangarap, nagtagumpay, naghirap, at malamang ay may mga pagkakamali. Ito ay aking opinyon lamang. Sa huli ay kanya-kanya pa rin naman tayong Jose Rizal.
(REFLECTION PAPER KO SA PI 100.. HEHE THANKS SIR ISKO!)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment